Sunday, February 1, 2009

Ang Kuwitis at Ang katapangan ng mga Kabitenyo

Noong nag-aaral pa ako sa isang kilalang pamantasan sa Maynila, naaalala ko ang ilang mga grupo-grupong kalalakihang lumalapit sa mga freshmen student, ang mga ito'y miyembro ng mga kilalang fraternity sa buong ka-maynilaan, kung saan nagrerecruit sila ng mga bagong miyembro, Kaya naman ako at ang aking mga kaibigan ay nagpapakahirap pang umiikot ng malayo wag lang madaanan ang mga grupong ito.

Pero isang araw ay natyempuhan ako ng grupong itong nag-iisa, lumapit sa akin ang mga ito, tinanong ako ng taga saan ka, na sinagot ko namang "Cavite po," tinapik ako sa balikat ng isa at sinabi sa kasama niyang, "di talo, brod!" at iniwan ako ng mga itong may pabaon pang ngiti.

Ilang buwan na rin akong nag-aaral ng malaman kong ilag pala ang mga grupong ito sa mga Kabitenyo, dahil may mga grupo palang puro taga Cavite na pinuprutektahan ang iba pang mga kabitenyo, mga matatapang kung ganun.

Inalam ko kung saan nga ba nagsimula ang pagiging matapang ng mga Kabitenyo at dinala ako nito sa petsang January 20, 1872.

Isandaan at tatlumpung taong mahigit na ang nakakalipas, sa pamumuno ni Sgt. La Madrid ay nagawa nitong sakupin ang arsenal sa San Felipe(sa Cavite City). Nagsimula ang lahat ng malaman ng mga ilang manggagawa sa lugar ang panibagong dagdag singil sa kanilang buwis.

Gaya ng mga pangyayaring nagaganap sa panahon ngayon, umugong ang balita sa malakihang pag-aaklas sa Maynila(Intramuros ngayon), kaya naman naisipan ng mga Kabitenyong sabayan ang sinasabing pag-aaklas.

Nagpadala ng tao si Sgt. La Madrid sa Intramuros, na magbibigay ng hudyat sa mga kabitenyo sa kanilang sabayang paglusob sa Arsenal at pagpatay sa lahat ng mga kastilang makakasalubong. Ang hudyat ay ang pakakawalang kuwitis sa Intramuros na tanaw sa pampang ng Kabite.

Nangyari ang inaasahan, may nagsipagputukang kuwitis mula sa Maynila, na naging hudyat ng paglusob ng mga Kabitenyo sa pamumuno ni Sarhento La Madrid. Naging madugo ang pangyayaring iyon sa historya ng Kabite, pero sa likod noon ay nagawang sakupin nina Sarhento La Madrid at ng mga kasama niya pang ibang kabitenyo ang San Felipe. Isang tagumpay sa mga Kabitenyo.

Pero sa likod ng mga pangyayaring iyon, dumating kinabukasan ang puwersa ng mga sundalo at muling napasakamay nila ang San Felipe, napatay ang ilang kabitenyo at ang iba'y pinatapon sa ibang lugar at ibang bansa. At ang pangyayari ding iyon ang siyang nagtulak sa garotte sa tatlong paring martir na sina Padre Burgos, Gomez at Zamora na silang sinasabing nagpasimula ng pag-aaklas na hindi naman malinaw na napatunayan.

Ang pinaka-nakakahinayang lang sa lahat ay namatay si Sarhento La Madrid na hindi man lamang niya nalaman na hindi naman nagpaputok ng kuwitis ang mga pinadala niya noon sa Intramuros at hindi nagkaroon ng pag-aaklas sa Maynila. Lingid sa kaalaman niya at ng mga kasama, nagmula ang kuwitis ng hapong iyon sa paglabas ng imahe ni Nuestra SeƱora del Carmen sa simbahan ng Quipo, dahil nung araw na yun ang kanilang kapiyestahan. Pero kahit papaano napatunayang matatapang ang Kabitenyo sa pangyayaring iyon.

Mga maling gunita sa Hunyo 12, 1898

Isandaan at siyam na taong mahigit na ang lumilipas ng diumano'y ideklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang ating kasarinlan mula sa mapang-aping mga kamay ng mga mananakop na kastila. Isang siglo at kulang isang dekada ng mga kulang at maling paniniwala sa Hunyo 12, 1898. Isang bagay na dapat binigyang linaw sa mahabang panahon. Mga bagay na kasama sa historya na kailangang bigyan liwanag sa matagal na pagkakakulong ng mga ito sa paniniwalang nilinang sa ating mga kaisipan, mga bagay na umikot sa labas at loob ng tahanan ng ating unang presidente Hen. Emilio Aguinaldo ng araw na bumitaw tayo matapos ang ilang siglong pagkakapit sa mga kastila.

Ang Balkonahe sa Aguinaldo Shrine.

Ang balkonaheng tampok sa halos taon-taong selebrasyon ng "Araw ng Kalayaan" tuwing Hunyo 12, 1898, ay hindi ang mismong lugar ng pinagwagaywayan ni Heneral Emilio Aguinaldo ng ating bandila.

Taong 1919, dalawampu't isang taong na ang nakakalipas ng ideklara ang araw ng kalayaan, ng idagdag sa nasabing bahay ang balkonahe. Bagkus, sa dating bintanang pinagdugtungan ng nasabing balkonahe ang tamang lugar kung saan ang pagwawagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo ng bandila ay naganap.


Hunyo 12, 1898, Hindi inaasahang deklarasyon ng kalayaan?

Hindi biglaan ang nasabing deklarasyon ng ating kalayaan. Isang linggong preparasyon ang nasabing proklamasyon. Hunyo asinko pa lamang ng ipaalam ni Heneral Emilio Aguinaldo sa ibang mga lider probinsya ang nakaakmang kalayaan. Kaya naman kumpleto ang mga delegasyon ng walong probinsya(na sumasagisag sa walong sinag ng araw ng ating bandila.)


Tuluyan na bang nakalaya sa Espanya ang Pilipinas noong June 12, 1898?

Hindi. Nakamit lang ang pagkakaisa at kalayaan ng Pilipinas noong August 1, 1898, ng magkaisa at sumangayon ang iba pang probinsya at bayan sa diktadurang pamamahala ni Hen. Emilio Aguinaldo.


Hunyo 12, 1896, unang winagayway at lumantad sa paningin ng mga pilipino ang bandila ng Pilipinas.


Ang bandilang ginawa sa Hongkong nina Marcela Agoncillo at ng anak niyang si Lorena sa tulong ng pamangkin ni Jose Rizal na si Delfina Herbosa ay unang winagayway at ginamit sa isang labanan sa Alapan noong Mayo 28, 1898, bago pa man ang deklarasyon ng ating kalayaan.

Ang Mayo 28, 1898 ay pinagdiriwang natin taon-taon bilang "National Flag Day."


Ang hindi malilimutang deklarasyon ng kalayaan ni Hen. Emilio Aguinaldo.


Taliwas sa ating mga pagkakaalam, ang kalayaan ng Pilipinas ay hindi dineklara at binasa ni Hen. Emilio Aguinaldo sa kanyang balkonahe(na wala naman noon) noong Hunyo 12, 1898 na siya din mismo ang nagsulat.

Si Ambrosio Rianzares-Bautista ang siyang tunay na nagsulat at nagdeklara(bumasa) ng ating kalayaan noong Hunyo 12, 1898 sa gitnang bintana ng tahanan ni Hen. Emilio Aguinaldo. Si Ambrosio Bautista ang tumatayong tagapayo ni Hen. Emilio Aguinaldo noong panahong iyon. Si Hen. Aguinaldo naman ang siyang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas habang tinutugtog ng Banda Matanda ang Lupang Hinirang.


Umaga ng Hunyo 12, 1898 ng basahin ang proklamasyon ng ating kalayaan.

Hapon at hindi umaga binasa ang deklarasyon ng ating kalayaan sa bintana ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Ang inaasahang maagang deklarasyon ay napalitan ng hapon matapos na tanghaliin(Pilipino time) ng dating ang ibang delegasyong galing ibang probinsya(kahit Hunyo 5 pa pinamigay ang imbitasyon). Ang proklamasyon ay tinatayang nangyari sa pagitan ng ikaapat at ikalima ng hapon.

Ang Magdalong Administrasyon at Magdiwang bilang Oposisyon

Mag tatatlong buwan na ang lumipas mula ng huling eleksyon. Ginusto man natin o hindi naglulutangan ang mga isyu ng dayaan at dumami ang nakabinbing kaso sa korte sa loob at labas ng Maynila na may kinalaman sa halalan. Isang bagay na nakasasama sa ating ekonomiya. Mga pangyayaring kakambal na ng ating panahon maging nung unang eleksyon sa Pilipinas.

Ang eleksyon sa pagitan ng Magdalo at Magdiwang nina Hen. Emelio Aguinaldo at Supremo Andres Bonifacio.

Dahil sa eleksyon o kasunduang pag-isahin ang dalawang paksyon ay nasira ang magandang pagsasama ng dalawa. At bukod pa roon ang eleksyong iyon na ginanap sa Casa Hacienda sa Tejero ang siyang naging ugat ng pagbagsak ng buong katipunan at pagsakop ng mga kastila sa bayan ng Imus, Bacoor, Dasmarinas, atbp.

Ang bayan ng Naik, Cavite. Bukod sa tala ng kauna-unahang bayan kung saan dinesenyuhan at naaprubahan ang pinakaunang bandila ng ating bansa na "Sun of Liberty". Sa makasaysayang bayan ding ito naganap ang Acta de Naic isang resolusyon nagsasaad ng pagtalikod sa pamahalaang nabuo sa Tejero sa pangunguna ng nanalong Presidente doon, Emilio Aguinaldo. At siyang naging takbuhan ng mga naghihimagsik ng unti-unting bumagsak ang Kabite.

Sa loob ng Casa Hacienda de Naic naganap ang makasaysayang pirmahan ng resolusyon, kung saan nilagdaan ito ni Andres Bonifacio at 41 mga kasama kabilang sina Hen. Artemio Ricarte (nanalo sa eleksyon sa Tejero) at Heneral Mariano Noriel at Heneral Pio del Pilar.(Mga Heneral ni Emilio Aguinaldo.)

Abril 19,1897. Sa ikalawang palapag ng nasabing Hacienda. Nagpupulong ang mga kasamang matataas ni Andres Bonifacio tungkol sa pagtalikod nila sa pamahalaang naitatag sa pamumuno ng noon ay presidente na Emilio Aguinaldo.

Pero hindi nila alam na sa siwang ng pintuan ay nakikinig na pala ang pinag-uusapan nilang Presidente, na hindi sana agad mabubuko kung hindi dumating si Procopio Bonifacio na noon ay papasok sa nasabing pagtitipon. Nagulat lahat ng naroon sa kuwarto ng nalaman nilang nakikinig na pala si Heneral Emilio Aguinaldo sa kanila. Patay malisya nila itong Inanyayahan upang sumama sa pagtitipon pero nagpaalam din agad ang isa. At ilang sandali lang ay nag-alisan na din sina Bonifacio at mga kasama sa Naic ng walang paalam.

Nang dahil sa pulitika napabayaan ang bayan. Unti-unting nasakop at Kabite at ibang bayan sa kagustuhang madakip at mahuli si Andres Bonifacio. Nang dahil sa isang eleksyon. Ang Acta de Naic na iyon ang naging ugat ng kamatayan ni Supremo Andres Bonifacio sa pamamagitan mismo ng baril ng kapwa niya Katipunero at Pilipino.

Nahirapang bumangon si Heneral Emilio Aguinaldo sa pagbagsak ng Kabite. Tuluyang humingi ng tulong at nakipagsundo ang mga Pilipino sa Amerikano na siya ring sumakop sa atin ng huli.

Lahat ng dahil sa pulitika. Lahat ng dahil sa isang eleksyon.